March 2009 ng malaman namin ang malagim na balita na ang aking kapatid na si Ninia ay may colon cancer. Isang nakakatakot na sakit na alam kong wala kaming kalaban laban. Parang suntok sa buwan ang ginawa naming desisyon na sa kabila ng kanyang malalang kalagayan ay gastusan sya ng malaking halaga para sa ikadurugtong ng kanyang buhay. Subalit ang colon cancer na syang akala namin na nag iisang kalaban ay may kakampi palang ovarian cancer at urinary bladder cancer. Nakakalat na pala ang sakit sa halos lahat ng kanyang internal organs. Talo na kami sa umpisa pa lang ng laban , pero hindi kami sumuko. Tulong tulong naming binata ang hirap at sakit ng kalooban maipaglaban lamang ang buhay ng aking kapatid laban sa malupit na cancer .Ang unang taning ay tatlo hanggang apat na buwan, nakakalungkot na napakaikling panahon na lamang ang kanyang itatagal. Subalit ang DIOs ay likas na mabuti, itinuro nya samin ang dapat gawin upang kahit papaano ay mapahaba pa ng kaunti ang buhay ng aking kapatid na si Ninia. Ipinadaala sa amin ng DIOS ang napakababait na mga kaibigan, mga kamag anak, mga kakilala at kahit hindi mga kakilalang tao ay kataka takang nagkaroon kami ng mga ugnayan at daan upang ang biyaya ng DiOS ay patuloy na dumaloy. Tinulungan kami ng mga pamilya Taruc upang makahingi ng malaking tulong sa PCSO, tinulungan kami ng mga doctor upang maging magaan ang lahat ng gamutan. Damang dama ko ang simpatiya nila Dr. Gavino at Dra Zamora sa simula pa lamang ng laban. Unti unti ay nakakita kami ng pag asa, lalo na nang ang milyon milyong halaga ng gamutan ay ipagkaloob samin ng maluwag ni Dr. Cruz. Nakapagtataka talaga kung saan kami humugot ng lakas, kung saan kami kumuha ng halos 2 million para sa kayang gamutan. Isang di pang karaniwang bagay na dumadating ang ibat ibang grupo ng mga relihiyon para sa iisang layunin, iyon ay ang ipagdasal ang kagalingan ni Ninia at pati na din ang kagalingang ispiritwal ng bawat miyenmbro ng aming pamilya. Kumalat ang balita sa ibat ibang dako ng daigdig na si Ninia ay nakikipaglaban sa sakit na cancer. Dumating ang mga tulong mula sa abroad sa mga oras na di namin inaasahan. Madalas ko ngang sabihin na parang magic ang lahat ,na sa isang kumpas ng kamay ng Dios ang pinansyal naming pangangailangan ay biglang nagkakaroon ng kasagutan. Tanging lakas ng loob at panalangin ang aking sandata upang di kami matalo sa unang yugto ng laban. Dumating ang sandali na ang cancer nya ay nagdagdag pa ng kakampi at idinamay ang kanyang atay. Dito ay nakaramdam ako ng pagsuko sapagkat ang atay ay napakaselan na parte ng katawn na tinalo kahit ang isa sa pinamayamang tao sa bansa na si Cory Aquino. Lubos ang aking panghihina alam ko na wala na kaming magagawa. Subalit isang himala ang nangyari pagkatapos kaming yayain ni nanay Conching na magsimba sa Baluarte sa kapistahan ni Apong San Roque ang mga bukol ng atay ay himalang naglaho. Duon ako nakasumpong ng sobra at napakalaking paghanga sa Dios, na sa kanya ay wala talagang imposible. Dahil duon ay patuloy kaming nangarap na lubusan syang gagaling, sapagkat sa Dios ang lahat ay may kagalingan. Hanggang ang apat na buwang taning ay malagpasan at umabot pa sya ng isang taon. Isang taong puno ng pagsubok subalit pinatatag kami ng pagmamahalan at pagkakaisa ng aming buong angkan..Abot ang aking hiling sa Dios na sana ay maipagdiwang pa namin ang lahat ng okasyon ng kapiling syang masaya at lahat naman ay kanyang pinagbigyan. Dumating ang pagkakaton na dapat ko syang iwan upang magtrabaho ako dito sa Canada. Isang masakit na desisyon ang aking ginawa dahil alam kong sa aking pag alis ay di na kami muli pang magkikita. Alam ko na hanggang dito na lamang ang kanyang buhay. Sapagkat pinakiusap ko lang sya sa Amang Dios na kahit isang taon man lang ay ipahiram sya samin upang maipadama naming magkakapatid ang taos pusong pagmamahal kasama ng aming mga magulang. Maswerte ang aking kapatid nakita nya kung gano karami ang nagmamahal sa kanyang mga kaibigan, mga kamag aral, mga kamag anak, mga kapitbahay dito man o sa abroad. Maswerte sya at may isang Fr. Onet na gumabay sa kanya spiritually habang sya ay nasa laban ng buhay, maswerte sya at naigayak nya ang kanyang sarili sa pagpunta sa kabilang buhay na doon ay mapapawi ang lahat ng hirap at hapis na dinulot ng kalabang sakit.
Ito na nga ang katapusan ng laban , natalo man ang kanyang katawang lupa, kami pa rin ay tagumpay sapagkat kasama namin ang Dios at hanggang sa huling sandali ay ramdam namin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan nyong lahat na walang sawang sumama at sumuporta sa aming laban. Ako po si ellen dela cruz ay pinaabot sa inyo ang taos pusong pasasalamat sa lahat ng inyong pagdamay kay Ninia sa kanyang buhay at kamatayan. Tanging sa Dios lamang ang lahat ay patungo sa buhay na ito, anumang laban ay kakayanin natin, gano man kasakit, sapagkat ang tao ay nilikha hindi para sa buhay na ito kundi sa buhay na walng hanggan sa piling ng ating Dios AMA.
No comments:
Post a Comment